Hello! Ako po si Pobreng Prepper.

Halata naman sigurong 1) Pinoy ako at 2) hindi ako mayaman. Hindi naman ako sobrang hirap na naninirahan ako sa kalye. Nakapag-aral din ako (awa ng Diyos), may computer ako kahit second hand lang (sa lingwahe ng mga mayayaman, "pre-loved" đŸ˜‚), at sa kababasa ko sa Internet, natuto akong gumawa ng website, tulad nito.

Gaya ng karamihan ng mga ka-edad ko, may inaalagaan akong pamilya. Nagkakayod kaming mag-asawa para buhayin at pag-aralin ang mga anak namin. May mga magulang kaming matatanda na kailangan ng suporta. Kahit todo ang pagtitipid namin, maraming gastusin na hindi maiiwasan, kaya kaunti lang ang naiipon. Kailangang pinag-iisipang mabuti ang bawat labas ng pera.

Pero dahil may mga buhay akong inaalagaan, naiisip ko rin: paano ko sila pananatiliing ligtas kung may kalamidad? Halimbawa, paano na ang pamilya ko kung lumindol? Saan kami sisilong at kukuha ng pagkain?Paano kung tuluyang bumagsak ang ekonomiya, lalo na ngayon na may pandemya? Ano ang magiging kabuhayan namin?

Diyan ko nadiskubre ang prepping. May mga tao palang nag-iimbak ng pagkain at tubig kung sakali mang hindi sila makapamili nang matagal. Mayroon palang mga nag-aaral ng emergency medicine para handa sila kung may maaksidente sa pamilya. May mga gumagamit pala ng HAM radio para makatawag sila ng tulong kahit bumagsak ang cell networks.

Nagbasa ako at nanood sa YouTube tungkol sa prepping. Sumali din ako sa mga Facebook groups ng mga preppers. Marami akong natutunan, lalo na't ilang taon ko na rin itong ginagawa.

May nakita akong malaking problema: madalas mahal ang prepping na nakikita ko. Bakit? Maraming mga prepper, lalo na sa YouTube, ang nagrereview ng mga gamit at supplies na pang-prepping. Karamihan ng mga ito ay galing sa US. Mahal ang mga yan, pang-first world. May kalidad, oo, pero aanhin ko naman ang kalidad na hindi ko kayang bilhin? Gustuhin ko mang magkaroon ng Leatherman multitool, Olight flashlight, at Mountain House emergency meals, hindi kaya ng bulsa.

Tapos kahit yung mga "budget prepping" na nakikita ko, pang-Amerika pa rin. Praktikal sa kanila pero dito hindi. Halimbawa, maraming mga prepper sa US na marunong mag-canning. Yung mga fresh fruits at vegetables nila, pati yung ibang mga putahe, sinisilid sa glass bottles at pinapakuluan sa malaking kaldero o sa pressure cooker para mag-seal yung takip. Matagal na iyang gawain ng mga Kano para may pagkain sila sa winter. E wala namang winter dito. At sa kasaysayan ng Pilipinas, mayroon bang gumagawa ng home canning bago nauso ang mga refrigerator? Paki-correct na lang po ako pero wala akong narinig sa mga matatatanda na nag-home canning sila. Pero alam kong nagdaing sila ng isda, gumawa ng longganisa, at nagtanim ng kamote. Na-realize ko na may mga sarili tayong pamamaraan ng survival na mas angkop sa klima at pamumuhay natin.

Kaya ko itinayo ang website na ito: gusto ko lang mag-share ng mga natutunan kong pamamaraan ng prepping na mas-angkop sa ating mga Pinoy. Yung tipong kaya nating matutunan mula sa kasaysayan natin at kayang abutin ng budget natin.

Posible ba?

Tandaan natin na noong panahon ng mga ninuno natin, walang kuryente, ospital, talipapa, yero, pako, empleyado, o pera. E bakit mawala lang ang mga nakasanayan natin iyan, para na tayong mamamatay? Oo, alam kong iba na ang panahon ngayon, pero hindi ba dapat ibig sabihin noon mas may abilidad na tayong mag-survive kaysa sa mga ninuno nating walang ni isang sentimo?

Welcome to PobrengPrepper.com, ang website para sa mga hampaslupang tulad ko na gusto ring maging handa. Kaya natin ito, mga mamser. Para sa pamilya, para sa bansa.